“See you in my cubicle after lunch.” Pahabol sa akin ni Mrs. Moral
Character kanginang matapos ang klase. Si Mrs. Character ang teacher namin sa
Social Science. Siya rin ang adviser namin.
Para naman akong si gago na isip nang isip kung
ano na naman ang sasabihin nito sa akin. Nawalan tuloy ako ng ganang
mananghalian. Halos tiyak ko nang sermunang umaatikabo na naman ito. Kamakalawa
lamang ay halos ilabas niya ang kanyang calculator para ipakita kung gaano ako
“katanga” at kung gaano katama ang kanyang pagsuma sa aking mga 5. Hindi naman
maikatwirang “paano ko di masi-5 kung kalian ako absent ay saka ka magbibigay
ng quiz. Kung kelan tinatamad mag-recite saka mamimilit.” Saka pag sinabi ko
naman ang gusto kong sabihin kakapain yung pulang ballpen.
Pero tipong maganda naman ang kanyang mood sa
klase kanina. Katunaya’y yung kanyang paboritong paksa ang pinag-uusapan namin.
‘Yung kanyang dazzling Malaysian at ang kanyang paboritong pabango. Nagtsismis
din siya (tulad ng dati). Kesyo si Mr. Espejo raw, kaya tumandang binata, dahil
dalawang beses niyang binasted noong dalaga pa siya. Si Miss Kuwan daw kaya
wala sa eskwelahan hindi dahil nag-study leave: nagpaabort sa America.
Magbi-bell na nang maalala niya ang leksyon naming, ang normalization process
sa gobyerno.
Sabi nya kangina, “Para tayo maging fully
democratic kailangang mataas ang literacy rate.” (Sinabi na ‘yon ni Rizal.)
“May sapat na communication system ang pamahalaan at may mataas na moralidad
ang mamamayan. At higit sa lahat, kailangang maging westernized ang ating
pamantayan. By so doing, hindi tayo magiging unicivilized sa wetern standards.
Nang tanungin niya ako, sabi ko’y mas basic ang
dapat na pamamaraan sa pagtingin sa problema. Halimbawa’y bakit hindi umpisahan
sa economic condition ng bansa. Kung kuntento ang mga tao, normal ang takbo ng
pamahalaan. Pero kung maraming dissatisfied, natural na abnormal ang sistema.
Hindi basta effective communication process, hindi rin basta mataas na literacy
rate. Mga manipestasyon lang ito ng talagang problema. Nabigla siya. Doon na
kami inabutan ng bell.
Ay, konsumisyon sa buhay, gusto kong lagnatin. Kay
layo ng kahapon sa kasalukuyan. ‘Pag nasa bahay ako, ako ang bida. ‘Pag ang
kababayan ko ang magkukwento, ako ang sikat. Pero ditto sa iskwelahan, walang
isko-scholar ng bayan.
Talagang gusto kong maghinto, pero ayaw ni Tatay.
Kung sabagay sino ba namang ama ang matutuwang magkaanak ng drop out? Talagang
sawa na akong mag-aral. Kay ganda sanang isiping hindi ako nakatali sa sintas
ng sapatos ng teacher ko na kasama ko sa bawat hakbang. Ipaling kung saan sulok
ko gustong puntahan, ilakad-kaladkarin kahit gusting mamahinga. At isiping
kahit ako ang masaktan.
Ay, buhay estudyante. Makauno lang, kahit lulunin
ang sariling dila. Kumontra sa kanila, singkong maliwanag. Tumango-tango ka
naman para makauno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang lokohin.
Pakisama lang talaga. Konting kompromiso, mundo ang diploma. Kung wala akong
diploma, sino naman ang maniniwalang may kaubrahan nga ako. Sana’y di nauso ang
grade, di sana’y hindi ako mahihiyang pumasok kahit Metro Manila Aide. Kung
graduate naman ako, hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo rin. At kung
tapos nga, nakakahiya naming pati trabahong pang mahirap ay pagtiyagaan ko.
Grade lang naman, problema ba ‘yon? Kung 5, tapos
ang usapan, bakit kailangan pahabain pa? Bagsak kung bagsak. Kick-out kung
kick-out. pero hindi naman talaga ako dapat bumagsak. O.K., matigas ang ulo ko,
rugged at medyo bastos pa raw, pero bakit kailangang isali pati conduct at ayos
ng katawan sa usapan? Hindi naman ito military school, hindi rin naman
seminaryo, bakit panay “yung conduct mo” at “appearance” ang pangako nila?
Ano ba ang sama nang bumagsak? Kung si Recto, bar
flunker pero isa sa kinikilalang constitutionalist ngayon. Si Einstein,
bumagsak sa Physics at grammar school pero big time scientist. Kahit teacher
niya hindi alam ang theory niya sa relativity. Kung sabagay, hindi ako si Recto
at si Einstein. Si Jojo lang ako, kung ang walang sinabi kong teachers ang tatanungin.
Sa mga kapitbahay namin, pambihira daw ako, biro mong sa probinsiya namin ay
ako lang ang nakarating ng Maynila para mag-aral ng libre. Kung nalalaman lang
nila.
Aral nang aral. Aral sa umaga, aral sa tanghali at
aral pa ulit sa gabi. Hindi ko naman maintindihan kung para ano ang
pinag-aaralan. Hindi na naubusan ng ipari-research. Walang alam itanong kung
hindi “What is our lesson for today?” Parang mga Diyos na sila lamang ang may
monopolyo ng tama. Kaya hindi pwedeng tanungin at lalong hindi pwedeng
pagsabihan ng mali.
Ay, mga teachers sa mundo, bakit ba ginawa pa?
Tulad ni Mrs. Moral Character, bago mag-umpisa ang leksyon, magsesermon muna na
virtue of honesty, kesyo masamang mandaya, kasalanang mortal ang magturo sa
kaeskwelang nakalimutan ang sagot dahil sa pagkataranta, krimen ang magkodigo
at kung anu-ano pa. lahat na yata ng masama at bawal sa mundo ay alam. Pero ang
kanyang lihim ay buking na namin. Noon daw nakaraang referendum ang teacher
naming morally upright ay biglang nabulag at nabobo. Nang magwatcher daw ito sa
presinto, tatlong letra lang ang kabisadong basahin. Katwiran nito’y “Anong
sama doon, kahit matalo, panalo par irn. Bakit, me magagawa ka ba?” Kaya naman
ngayon hindi na siya si Mrs. Moral Character sa amin, Mrs. Eraser na lang.
Tapos magtataka pa kung kangino kami nagmana sa
mundo.
E sino naman kaya sa kanila ang pwedeng gawing
idolo? ‘Yung teacher ko sa English, walang pakialam sa mundo. Basta magamit
lang niya ‘yung nalalaman niya sa voice at diction, maligaya na siya sa buhay.
Basta kami ang papel lang namin, tagapakinig sa kanyang mga asides. Para tuloy
kaming pang-therapy niya lang. at ang kanyang paboritong paksa, ‘yugn kanyang
ninuno na purong Kastila raw na nagpatayo ng simbahan sa kanilang bayan.
Antique syempre ‘yung simbahan (tulad niya at ng kanyang lolo). Ibig lang
niyang palabasin ay may dugong bughaw siya. Sarap sanang bukuhin na ang
Kastilang napunta rito noong araw ay mga butangero at kriminal sa Espanya. Kesa
nga naman maging problema sila ng gobyerno nila, di Pilipinas na ang bahalang
magtiis ng konsumisyon. ‘Yung ganoong sistema ang namana niya sa kanyang lolo,
ang mangunsumi ng mapagtiis. ‘Pag nabuko mong hindi nag-aral, lagot ka.
Pagsasabihan ka nito ng “What?” Iyon lang hindi mo pa alam hanggang ngayon?
O.K. that’s your assignment for tomorrow.” Saka niya sasabayan ng bura ng
maling nakasulat sa blackboard.
Kunsumihin ka ba naman araw-araw, pag naging gago
ka nagtataka pa. Hindi ka pa nga pwedeng magwala, hindi ka parin pwedeng
maglibang. Kung sa pagtitiis ng kunsumi ay sigarilyo at beer ang mapiling
pagbuntunan ng sama ng loob. Ayun at, “Sinasabi ko na nga bang masama sa
pag-aaral ang bisyo,” ang agad ikakatwiran ng mga ito.
Kung bisyo naman ang pag-uusapan, masama raw sa
katawan ng tao ang alkohol at nikotina. Para na rin sinasabing, ‘pag teacher ka
na ay pwede. Dahil estudyante ka pa lang, tiis. Itanong mo kay Mr. Discipline
at alam na alam niya ang sagot. Huwag mo nang itanong kung nagdaan din siya sa
pagkabata, kung noong araw ay gago rin siya, dahil sa isasagot nito’y, “Kaya
nga ayaw kong matutuhan nyo ang bisyo dahil pinagdaan ko na ‘yan.
Sa amin sa barkada, dalawa lang kaming
mag-gu-goodbye my school goodbye. Kick-out ako sa kagaguhan daw. Si Minyong
nama’y sa kabobohan daw.
Kung paano nila natiyak na dapat nga kaming
palayasin sa pinakamamahal naming paaralan, ganito raw ang naging takbo ng
usapan nina Mrs. Moral Character (Eraser), Mrs. Gles-ing, Mr. Mathematician,
Miss Spermatozoa at Mr. Discipline.
“Hindi naman korum, say quorum, kuwow, quorum.
That’s correct, that Jojo Boy has no sense of dequorum. I feel though he is
brilliant, only my reservation is that.”
“Only he is stubborn. Papasok ‘yan sa klase ko
nang nakainom, para pang nang-iinis na lalapitan ka. Ipaaamoy sa iyo ang
hininga.”
“How true, how true, I swear to God that’s true.”
“Hindi lang ‘yan, minsan gusto pa mandin akong
kulitin sa klase na akala mo’y mahuhuli niya akong hindi prepared sa lesson ko.
Tambakan ko nga ng research work, di atras siya.”
“And he is always absent. Sometimes I don’t want
to give him an excuse slip anymore.”
“So what is the verdict of the group?”
“I could not pass him.”
“Ako rin.”
“God will punish his naughtiness.”
“I will report the matter to his parents
immediately.”
Ang masama ay ang akusasyon nila kay Minyong.
Nababaliw daw. Tuwang-tuwa silang pagtsismisan ito. Kinuha-kuha nila sa bundok,
tapos pilit pinaniwalang makakasabay ito sa standard ng exclusive school,
pinaniwalang dito nito matututuhan ang paghango sa kahirapan ng kanilang tribo,
saka ngayon, basta na lang sisipain. Bobo, ang sabi nila. Binigyan ng isang
pagkakataon. Pinagsalita nang pinagsalita, para raw mahasa nang sa gayo’y
mawala ang inferiority complex nito. ‘Ayun, nang matutong magsalita ang tao,
na-schock silang marinig ang katotohanan.
Sabi ng pangkat ng mga Hari.
“I find him kina weird lately.”
“So what shall we do with him.”
“Definitely I could not pass him.”
“Oo nga naman. Gagawa tayo ng masamang precedent.
Mauuso ang bobo sa eskwelahan. Remember, Philippine School for Science and
Technology ito. Tapos magpapasa tayo ng estudyanteng so-so? Hindi pwede.”
“Pero cultural minority ‘yan.”
“And so what?”
“Kailangan babaan natin ang standard sa kanya.”
“Excuse me, mayroon lamang isang standard and
excellence at wala nang exception pa.”
“What now?”
“Ano pa, e di ibagsak.”
Saka sila nagkorus ng “Ibagsak.”
Kung sabagay nang mabalita ang kaso ni Minyong sa
eskwelahan, humigit-kumulang ay nakapagpasya na sila sa magiging dulo ng
istorya. Ganito raw iyon.
“Have you considered his case lately?”
“Anong gagawin natin sa kanya? Meron ba tayong
policy sa ganyang kaso?”
“Mabuti siguro’y pauwiin na natin sa kanilang
tribo.”
“Dapat nga, Baka manakit pa yan ay maraming
madamay.”
“Oh, how I abhor violence.”
“Baka kamo manunog pa yan. Uso pa naman sa Maynila
ang sunog ngayon.”
“E kung ipa-confine natin sa mental?”
“At sinong magus-shoulder ng bill?”
Tapos ang kaso ni Minyong bago pa man pasimulan
ang deliberasyon.
Hindi naman sila parating ganoon kabilis magbaba
ng hatol. Paminsan-minsan nama’y “humane” sila ika nga. Tulad halimbawa ng kaso
ni Osias at Armando, mga kaiskwela rin namin.
“Ipasa na natin si Osias.”
“Pero mababa yan sa Physics.”
“Sus, naman ito, e talaga naman mahirap ‘yang
klase mo.”
“Thoughtful yang batang yan. Kahit saan ka makita
ay panay ang good morning.”
“Talaga. At prisintado agad yan pag nakasalubong
ka na maraming dala.”
“How about Armando? Another cultural minority?”
“Excuse me. He is not a thoroughbred cultural
minority it is only the mother. The father is an Ilocano who migrated to
Mountain Province.”
“Ang sweet-sweet ng batang ‘yan. Manang-mana sa
Tatay nya.”
“Pogi talaga.”
“You bet. Doctor pala ang ama nyan.”
“Ipapasa ko yan. Kaya lang naman ‘yan mababa, kasi
matagal umabsent. Nagkasakit kasi.”
“Ano, pasado na tong dalawa?”
“Approve.”
Mahirap talaga sa mundo ang hindi pogi at walang
amang duktor.
“Come on in. Sit down.” Sabi ni Mrs. Moral
Character matapos akong kumatok at papasukin sa kanyang cubicle. Inabutan ko
siyang nagsasalansan ng mga libro.
“Called you for two reasons. Regarding our lesson
and your attitude in class.” Idiniin niya yung your attitude. Heto na naman
kami sa loob-loob ko. Kung bakit kasi hindi na lang ako nagkasakit. Sana’y
natuloy na ang lagnat ko para wala nang sermunang naghihintay.
“Jojo, ang tao’y hindi pulos tiyan tulad ng gusto
mong palabasin.” Sabi niya habang nakataas ang isang kilay.
Huwag kang kikibo, paalala ko sa aking sarili.
Konting tiis. Mahirap makipagtalo sa teacher. Ngiti ka lang basta. Titigil din
yan pag nagsawa. Pero tipong wala siyang balak mag-short cut ng sermon.
“Walang essence ang pinagsasabi mo kanina. Iyon ay
isang halimbawa ng priori statement. Do you get me?” Tumango naman ako.
“Good. Now, alam mo sigurong wala kang
pinanghahawakang data, which I happen to have. Panay speculation lang ang
pinagsasabi mo at walang katuturan ito sa scientific world. Our lesson is more
complicated than you thought. What you mean probably is the role of economic
determinism in contemporary Philosophy, which is all together wrong. Bait hindi
mo gamitin ang power of elite approach? Behavioralism ang trend ngayon sa west.
Bakit hindi ka makigaya?”
Huwag mong pansinin, ngiti lang. Paalala ko ulit
sa sarili ko. Hayaan mo lang siyang magsalita nang magsalita. Pasasaan ba’t
mauubusan din yan ng sasabihin. Pasok sa kanang tenga, labas sa kaliwa. Siya
ang teacher kaya ang pakiramdam niya’y siya lang ang pwedeng tama.
“Do you get me?”
Tango pa rin ako. At ngayon, ang part II ng
kanyang sermon.
“To be honest about it, I don’t like your attitude
in class. Smart aleck!” Yuko na lang ako. Saka ako bumulong ng “I’m sorry,
Ma’m.”
Kahit hindi ko siya tingnan alam kong
tatangu-tango siya sa tuwa. Lihim na naman pumapalakpak ang kanyang tenga sa
tuwa. Napaamo niya ang suwail ng eskwelahan. Sana’y kasing “honest” din niya
ako, di sana’y nasabi ko rong “The feeling is mutual. I also don’t like you,
Ma’m.” Sa halip ang nasabi ko na lang ay “Can I go now, Ma’m?”
“I’m not yet through.” Ibig pa palang sabihin ay
may part III pa tong usapang ito.
“They saw you in the chapel last night.”
Diyos me, pati pala personal life ko’y
pinakikialaman na rin nila ngayon sa loob-loob ko. Nararamdaman ko ang init ng
kanyang titig sa aking mukha.
“How young are you, Jojo? Speak up.”
Wala akong dapat ipaliwanag sa kanya. Hindi ako
sasagot.
“Speak up I said.”
“15, Ma’m.”
“15, and already you are…” Saka niya dinugtungan
ng “I’ll let your mother know about this,” bago ako tuluyang lumabas ng kanyang
cubicle.
Gusto ko na talagang magwala. Gusto ko siyang
balikan. Gusto kong isambulat sa mukha niya ang lahat ng hinanakit ko sa mundo.
Sanay kasing tapang ako ng gusto kong mangyari. Ano ba’ng masama sa ginawa ko
sa chapel? Magkahawak lang kami ng kamay ni Tess. Masama ba yon? Siguro ang
masama’y kung bakit biglang napasyal si Mrs. Gles-ing sa chapel ng ganoong oras
ng gabi. Kawawang Tess. Halos natitiyak ko nang gagawin na naman itong
halimbawa ng mga Mrs. Moral Character ng kung anong hindi dapat maging ang
isang babaeng estudyante. Si Mrs. Gles-ing, tiyak na halos pumasok ang dila sa
pagbabando ng kanyang scoop.
Ano pa ang magagawa ko, di suntok na lang ulit sa
hangin at magbubulong ng “balang araw.” Kung mababaliw ako tulad ni Minyong,
siguro’y hindi nila ikatutuwa, pero natitiyak kong ipagtataka nila kung bakit.
Nasa lobby ang mga kabarkada kong alaskador.
“Jo, balita nami’y bida ka na naman.”
Hayaan mo na ang mga ya’t magsasawa din yan.”
Sagot ko naman
“Kung nagmu-motel kayo, di wala sana silang alam.”
“Tigil,” sabi ko.
“Ano ba talaga ang ginawa nyo’t nagpuputok ang
butsi ni Mrs. Gles-ing sa klase namin kanina?”
“Isa pa to, anong magagawa ko sa chapel?” kahit ka
may madyik, walag himalang mangyayari doon,” sabi ko.
“Ligawan mo kaya si Mrs. Gles-ing.”
“Isa ka pa.” Buwisit na buhay ito, alaskado na
naman ako.
“Malay mo baka lalong malahing Mrs. Robinson yon.”
Saka sila nagtawanan.
“Tara na lang sa Cubao.” Yaya ko sa kanila.
‘Yung isang round ng beer ay nasundan ng isa pa
nga at isa pa ulit. Saka pinabuntutan ng one for the road. Kung gaano kabilis
ang bote ng beer ay ganoon din kabilis ang oras.
“Ano ba talaga ang ginawa mo sa chapel?”
“Ano ba, di holding hands. Masama ba ‘yon? Para
nagsusumpaan lang kami sa harap ng altar na hindi maghihiwalay kahit ako
ma-kick-out. kabastusan na ba yon? Bakit kasi ang dudumi ng isip nila. Akala
mo’y hindi nakipag-holding hands noong mga bata.”
“Sila kaya, paano naging tao?”
“Natingnan lang, nabuntis na.”
Saka sila nagtawanan. Buti pa sila, kahit paano’y
masaya. Ako yata, kahit sa paglilibang ay mga teachers ko pa rin ang nakikita.
Sobra na to. Bakit ba yaw nilang makakita ng katotohanang iba kaysa kinagisnan
nila? Bakit ba kasi gusto nilang maging kamukha nilang lahat ang tao sa mundo.
Dahil ba sa kanilang palagay ay sila ang nakadiskubre ng mina ng talino at
tama, kaya wala nang natira para sa amin para diskubrihin? Pero hindi ba yung
tinatawag nilang expertise yung dalawampung taon sa serbisyo, ang ibig lang
sabihin isang taong karanasang pinatagal ng dalawampung taon?
Ngayon ko lang naiisip, kung buhay siguro si
Beethoven at kukuha ng eksamen sa ekswela kahit bilang estudyante o teacher ay
tiyak na hindi siya tatanggapin. Philippine School for Science and Technology
ito, ang eskwelahan ng mga magiging scientists baling araw, tapos
pakikitunguhan at ituturing na tao ang isang kung sinong bukod sa tamad
magbihis ay madalang pang maligo?
Si Einstein kaya? Henyo ‘yon, kaya lang hindi
nagsusuklay. Kick-out din siya. Bawal sa school ang mahabang buhok. Tiyak na
pagsasabihan siya ni Mr. Discipline ng “Comply with school requirements.
Maximum tolerable haircut please.” Ibig sabihin noon ay ahitan ang batok.
Si Hemingway kaya? Hindi rin pwede, mabisyong tao
yan. Bawal ang lasenggo sa klase. E si Maxim Gorky kaya, ang greatest Russian
writer para kay Chekhov at Tolstoy, pwede kayang magturo ng comparative
literature dito? Sa palagay ko’y hindi rin. Bukod sa wala siyang unit sa
English ay wala rin siyang diploma sa education.
Si Kristo kaya kung mabuhay ulit at magpunta sa
Science? Maestro daw siya kahit walang M.A. at Ph. D. Papasukin kaya sa gate pa
lang? Hindi pwede, kung makasalubong siya roon ni Mrs. Moral Character o ni
Mrs. English, baka ma-shock pa ang mga ito. Palagay ko, ganito ang sasabihin
nila: “Imagine, kay lakas ng loob, ang bastos naman ng appearance. Long hair,
hindi nag-aahit, tapos nakasandalyas pa. Maano kung anak siya ng Dioys, wala
naman siyang sense of decorum.” Saka kung magsermon dito si Christ, baka mabuko
lang siya ng “Who is your authority, where is your data, behavioralism na ang trend
ngayon sa west bakit hindi ka makigaya…” Siguro kaya sa sabsaban na lang ang
napiling birthplace niya, dahil kung sa Science siya ipinanganak, mababago ang
kasaysayan ng Kristiyanismo sa mundo.
Ay, sense of propriety at decorum talagang
nakakataranta. Clean cut (pagsuklayin mo si Einstein) white polo shirt at black
pants (pagdisentihin mo si Kristo). Naiisip ko tuloy kung propriety din yung
tawag sa mga teacher kung nakadamit civilian sila kapag Miyerkules. Yan bang
parang aatend sila ng party. Yun bang ang tipo ng tela ay mapapanson agad at
mapagsasabihang “Ay, ang ganda, saan mo nabili? Siguro ang mahal ano?” na
sasagutin naman ng kausap ng “Mura lang yan , siento isang yarda. Christian
Dior, original yan, hindi gawang Rustan.” At para talagang mapapansin,
kailangang humahalimuyak din sila sa bango. Yung parang walking pharmacist.
Saka kukulayan ang mukha na parang painting (pa-surreal). At saka tatambakan ng
brilyante ang tenga, leeg, dibdib, braso at mga daliri. Sa kanilang ganda ay
ningning, para kang nakakita ng Xmas tree sa isang mahal na araw. Yun ang
proper sa kanila.
Kung sabagay, hindi nila maiino yon. Noong gabing
mahuli kami ni Tess ni Mrs. English, noon ko lang napansin ang ayos ni Kristo.
Ininsulto raw ito ng mga Hudyo kaya ipinako nang hubo sa krus. Pero naiinsulto
sa hubo ang mga Mrs. Moral Character, Mrs. English, Miss Spermatozoa, Mr.
Mathematician at Mr. Discipline at kanilang mga katribo. Kaya siguro nila
tinakpan ang kahubdan ni Kristo ng pelus na nangingintab sa dami ng borloloy. Si
Virgin Mary ay asawa daw ng isang hamak na karpintero, pero sa bigkas niya
ngayon ay mistulang peacock at Xmas tree na rin siya. Pati nga kanyang luha ay
ginawang perlas.
Ang hindi nila naging kamukha ay agad nilang
napapansin. Ang taong naniniwala sa sarili ang gusto nilang lapastanganin. Sino
nga ba naman si Jojo sa kanila na “isang kung sino lang.” Noon kayang mga
estudyante pa sila, nakapasa kaya sila sa Science? Scholar din kaya sila? Pero
bakit naging teacher lang sila sa loob ng mahabang panahon? Iyon lang kaya ang
alam nila sa buhay, ang magturo? Para silang hindi naging bata. Para bang nang
ipinanganak sila’y alam na nila ang lahat ng bagay. Baka akala nila’y biru-biro
ang maging estudyante. Yun kayang conduct nila sa klase noong araw, panay uno?
Kung talagang hindi sila nagkakamali, dapat itong ireport agad sa Santo Papa ng
Roma. Nasa Pilipinas lang pala ang mga living saints.
Alin na lang kaya ang pwedeng pakialaman? Saan
kaya pwedeng maging bida sa mundo? Buti sa referendum kasali kami. Alin kaya
ang mahalaga, ang kapalaran ng Pilipinas o ang moral character? Yung kapalaran
ng Pilipinas, pwedeng isugal, pero kung sino ang mas seksi, si Alma Moreno o si
Elizabeth Oropesa ay hindi naming pwedeng pagpasyahan, “for adults” lang kasi
yon.
Ops, nakadi-jingle mag-isip. Yung barkada, iba na
ang usapan.
“Lagyan kaya natin ng thumbtacks yung upuan ni
Mrs. English?”
“Di aaray yun!”
“Hi-hi-hi.”
Buti pa sila at nakukuhang ngumisngis. Ako kaya,
kanino pwedeng magreklamo? Sulatan ko kaya si Valencia? Baka naman sagutin ako
nito ng “Uminom ka na lang ng kape.” Si Marcos kaya? Santambak ang problema
nito sa buhay, biro mong problemahin nito pati kapalaran ng Pilipinas, tapos
ipasasagot pa ito sa kanya sa kasaysayan, paano ako nito mapapansin? Magreport
kaya ako kay Carter, issue rin ito ng human rights, ang kapalaran ng mga
sinasadistang estudyante, pero mahirap naming umingels. Saka interesado lang
ito sa giyera na naluluma sila.
Sa Diyos na lang kaya ako susulat? Pero nasa lahat
ng lugar at sulok daw ito, kaya tiyak alam na niya ang problema ko. Bakit nga
pala sa sermon on the Mount of Sinai wala yung “Blessed are the poor students
for they shal inherit…” Siguro dahil wala na siyang langit o lupang pwede pang
ipamana sa iba.
Ayaw kong maging Minyong. Kailangang magsalita na
ako baka ako mabaliw. Ayaw kong maging bato. Hindi baling drop-out, basta tao
lang ako. Maliit ang comfort room kung doon ko isusulat ang akung sumbong.
Marami na roong nauna. “What you’re holding now is the future of the
fatherland.” “If you can reach this high, you shall be great.” “Ibagsak ang
pasismo.” “LABAN.” “Alpha Phi Omega.” “Wanted pen-pal.”
Magrereklamo rin ako sa pader kung kailangan,
hanggang may makabasa at makarinig ng aking sumbong. Pero sa ngayon idi-jingle
ko na lang muna ang sama ko ng loob.
(Nakalimutan ko na kung anong website ito nakuha. Napakagandang kwento talaga. Natalakay ito sa aming kaklase at naihahambing namin ito sa realidad.)